RSS

Mukha’t Pag-ibig: Hinggil sa Never Not Love You (Antoinette Jadaone, 2018)

14 Aug

Christian Jil R. Benitez

Sa dulong bahagi ng Never Not Love You (2018) ni Antoinette Jadaone, makikitang nagmamaneho si Joanne (Nadine Lustre) papasok sa kanyang trabaho nang tumawag ang kanyang matagal nang kasintahang si Gio (James Reid). Sabik na ibinalita nito sa dalaga na inalok siya ng panibagong proyekto ng pinagtatrabahuan niyang kumpanya sa London; subalit, higit pa sa nasabing proyekto, higit na ikinasasabik ni Gio na ibalitang sa huli, pinili niyang tanggihan ang proyekto para sa halip ay umuwi na lamang sa Maynila nang magkasama na silang muli ni Joanne. Mahigit dalawang taon din ang kanilang naging pagkakalayo, kaya ikinatuwa rin ni Joanne ang balita. Gayunpaman, matapos bitiwan ni Joanne ang kanyang “Bye, I love you, see you soon!” para kay Gio, nang ibaba na niya sa wakas ang tawag ng kasintahan, kahit pa nakatingin pa rin ang dalaga sa kanyang daraanang kalye at ipinasisilay lamang sa mga manonood ang kalahati ng kanyang mukha, mababanaag ang pagbabago sa mukha ni Joanne, mula sa pananabik nga habang kausap si Gio tungo sa hitsurang hindi ganap na matitiyak, kung pagkabagabag ba o pagkabigla sa ibinalita ng kasintahan, o kanyang pagkatuon lamang sa pagmamaneho sa abaláng kalye ng Maynila.

NNLY

Ang sandaling ito ng hindi katiyakan sa mukha ni Joanne ay hindi hihigit sa tagal na dalawampung segundo, bago muling magpapatuloy ang montage na magwawakas lamang sa pagsalubong ni Joanne kay Gio sa paliparan na ng Maynila. Tutungo ang magkasintahan sa tattoo shop kung saan dating nagtatrabaho si Gio para doon mapatungan muli ang nangupas na nilang tatung singsing; mula doon, magkasama silang umuwi, dinaanan ang mga lugar sa lungsod ng Makati na minsan nilang pinaglagian, hanggang sa maglaho ang imahen sa pinilakang-tabing sa itim. Ang huling imaheng iniiwan ay ang magkasintahan sa loob ng sasakyan ni Joanne, ang kanyang kaliwang kamay sa manibela at ang kanan naman sa kaliwang kamay ni Gio, pinakikinggan sa radyo ang awiting minsan na rin nilang narinig habang naglalakad sa Greenbelt, kung saan sinabi ni Joanne kay Gio na handa na siyang magpatato sa binata—ang magiging tanda ng kanilang magiging matagal na pagsasama.

Totoo sa pamagat nito, inilalatag ng Never Not Love You ang isang uri ng matatag, kung hindi man palagiang pag-ibig sa kasalukuyang Pilipinas, sa pagitan ng mga tauhang sina Joanne, isang dalagang white-collar na manggagawa na tanging layunin ang maging assistant brand manager; at Gio, isang Fil-Am tattoo artist at graphic designer na, dahil hinintuan nang tustusan ng kanyang amang Amerikano, kinailangang maghanap ng trabahong higit na makatutustos sa kanyang mga pangangailangan. Mula sa mga ganitong pinagmumulan ng mga tauhan, higit na napahahalagahan ang motif ng paglalakbay na karaniwang matatagpuan sa mga pelikula ni Jadaone: ang paglalakbay sa pelikula mula siyudad ng Makati hanggang London ay pakikipagsapalarang tulak ng mga materyal na pangangailangan ng mga tauhan. Sa ibang salita, hindi na ito pawang paglalakbay para lamang hanapin o buuin ang sarili sa pamamagitan ng mga tangkang pamimilosopiya sa buhay pag-ibig (tulad sa That Thing Called Tadhana (2014)) o pamilya (tulad sa Love You to the Stars and Back (2017)). Kaya naman sa huli, ang pinapalabas pala ng pelikula ay isang uri ng pag-ibig na maláy sa muhon din nitong pinakamateryal.

Sa pagturol sa ganitong pag-iibigan bilang nakamuhon sa materyal, hindi ito nangangahulugan ng pagiging mababaw nito, ayon na rin sa karaniwang konotasyon ng pagiging materyalista; sa halip, ang pagmumuhong ito pa nga sa materyal ang nagpapalalim dito, sapagkat higit na makatotohanan bilang karanasang nakikilala para sa nakararaming manonood na Pilipino. Liban na nga lamang marahil sa kadalian o kapalaran ni Gio na makahanap ng kumpanyang mapagtatrabahuan sa London, at sa kadalian o kapalaran din ni Joanne na matagpuan ang kanyang magiging kasintahan sa mahabang panahon—mga pagpapalibang nababagay lamang bilang takda na ang mga ganitong kadalian at kapalaran sa pelikulang hayagang romanse ang moda—nakikita ang pinakahalaga ng Never Not Love You sa tangkang pagsuri sa pagkakataon ng pag-ibig sa panahong neoliberal: sa tauhan ni Joanne, hindi na lamang ipinalalabas ang isang dalagang umibig, kung hindi isang dalagang umibig alinsabay sa kanyang pangangailangang magtrabaho para maitaguyod ang kanyang pamilya sa Zambales.

NNLY 1

Ang mga materyal na pangangailangang ito ni Joanne ang nagtulak sa pinakamahalagang sandali sa kanyang relasyon kay Gio: nang nanirahan na ang dalawa sa London mula nang kunin doon si Gio para magtrabaho, nagsimulang lumiit ang mundo para kay Joanne, sa kanyang kawalan ng kakayanang gawin ang mga bagay na nais niyang gawin para sa sariling karera at sa kalagayan ng kanyang sariling pamilya, kung kaya sa huli, pinagpasyahan niya na bumalik na lamang sa Pilipinas upang dito bumuo ng pangalan para sa kanyang sarili. At sa kanyang pagbalik, naging matagumpay nga si Joanne sa pagbubuong ito: kinalaunan, nakamit din niya ang pinakaaasam na pamagat ng pagiging assistant brand manager, na nagbigay-daan sa kanya para mapagawa ang bahay ng kanyang pamilya sa Zambales at makapagpundar para sa kanyang sariling sasakyan. Pinakakritikal ang huli, sapagkat sa materyalidad ng sasakyang naipundar ni Joanne, nakabuo ang pelikula ng isa nang pag-ikot: mula sa pawang pag-angkas ni Joanne sa motorsiklo ni Gio, si Joanne na ang nagmamaneho para sa sarili sa sarili rin niyang sasakyan tuwing papasok ng opisina.

Sa ganitong paraan nakikita ang higit palang tuon ng pelikula kay Joanne, at mula dito mapahahalagahan sa isang banda ang palabas bilang isang pagbabanghay sa karaniwang pantasya hinggil sa pag-unlad sa Pilipinas ng kasaluyang panahon. Dito rin nakikita ang paggana ng romanse sa pelikula: sapagkat gumagana ang romanse sa idealidad, naaangkop lamang na malangkapan ang romanse ng kasalukuyan ng praktikalidad at pagsasalalay sa materyal na mga pangangailangan, dahil sa ganitong paraan lamang din napananatiling ideal sa isang banda ang romanseng ipinalalabas para sa nakararaming manonood. Kaya bagaman mukhang kakaiba sa mga pelikulang nagawa ni Jadaone, kung hindi man sa mga pelikulang romanse sa henerasyon ng kasalukuyan, ang ipinalalabas lamang din sa Never Not Love You sa isang banda ay ang parehong romanse, subalit sa anyong nakahabol na sa kasalukuyang kalagayang sosyo-ekonomiko at mga pagdidiskurso hinggil dito, kung kaya nagmumukhang bago, kung hindi man progresibo, bilang isang pelikulang romanse.

nnly

Gayunpaman, hindi pa rin ganap na mapawawalang-halaga ang nasabing pelikula at pawang ikahon ito bilang tulad lamang ng iba pang pelikulang romanse sa kasalukuyan, sapagkat sa isang banda, hindi nga rin ito basta tulad ng mga nasabing pelikula. Marahil hindi pa nga ito ang pinakamatatalas na pelikulang romanse na susuri sa kasalukuyang karanasan ng maraming Pilipino (kung maituturing pa rin nga bang “romanse” ang ganitong pelikula), subalit nakapananabik ang Never Not Love You bilang sulyap sa maaaring anyo ng gayong pelikula, sa gana ng mga sandali nitong kritikal sa kanilang tuon sa mga damdaming pinakakaraniwan sa kasalukuyan. Tulad na lamang ng naunang inilarawang sandali sa dulong bahagi ng pelikula: sa pagbabago ng mukha ni Joanne sa balita ng pagbabalik ni Gio, pagkabagabag nga ba ito o pagkabigla? Pagkabagabag ba itong munti sa gana ng pawang pagkabigla sa balita? Pagkabigla ba itong nabagabag subalit lilipas? O baka nga lamang ito ang pagkatuon niya sa pagmamaneho sa abaláng kalye ng Maynila? Na marahil sanhi ng pagkabagabag o pagkabigla?

Anupaman sa mga ito, sa pagwawakas ng pelikula, sasalubungin at susunduin pa rin ni Joanne si Gio at magkasama silang uuwi. Sa ganitong paraan totoo ang pamagat ng pelikula: hindi nga mangyayaring kailanman na hindi na mamahalin ni Joanne si Gio. Subalit, hindi ipinapangako sa mga katagang “I’ll never not love you,” na hindi magbabago ang anyo ng isinumpang pag-ibig: maaari pa ring magpatuloy ang pag-ibig, subalit maging sa pinakakaibang mukha na nito—pagkabagabag, pagkabigla, o maging pawang pagkatuon sa pagmamaneho at kung ano pang mga gawaing maaaring hindi para sa iniibig o pag-iibigan, kung hindi para lamang sa sariling mga pangangailangang materyal. Kaya kung saan papatungo ang pag-iibigan nina Joanne at Gio matapos kumupas sa dilim ang pinilakang-tabing ay hindi na matitiyak, sa kabila ng mapagpahiwatig na awitin sa radyong sila ay “hindi na bibitaw.” At sa hindi katiyakang ito, kung saan iniiwan na sa mga manonood ang maaaring mangyari sa magkasintahan, maaaring pinakakritikal ang pelikula, sapagkat tanging sa dami ng mga posibilidad na maaaring makinita ng isang manonood matapos ang pelikula nailalahad din sa kanya ang lawas ng maaaring anyo ng pag-ibig para sa kanya, sa abot ng sarili niyang materyalidad. Samakatwid, para sa mga manonood, ang pinilakang-tabing sa sandali ng hindi matiyak na kalahating mukha ni Joanne ay sandali ring salamin para sa sarili nilang mukha.

 
1 Comment

Posted by on 14 August 2019 in 2018 Citations, Philippine Film

 

One response to “Mukha’t Pag-ibig: Hinggil sa Never Not Love You (Antoinette Jadaone, 2018)

  1. JaDineJourney

    15 August 2019 at 05:10

    Reblogged this on My JaDine Journey.

     

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.