RSS

Pakikipagtuos sa Panahon

13 Dec

 Christian Jil R. Benitez

Still mula sa screener ng Historya ni Ha (2021).

Kung para sa ibang manunuri ay maaari, kung hindi man maipagpipilit, bilang sanhi ng pagdududa sa kabuoang kahusayan ng Historya ni Ha (2021) bilang isang ganap na pelikula (at hindi lamang bilang konsepto ng isang pelikula) ang naging pagganap dito ng aktor na si John Lloyd Cruz bilang si Hernando Alamada, ang bidang bentriloko ng naturang epiko-pelikula, hinihiling mismo ng praktika ng kritisismo, kung pangangatawanan ang pinakabirtud nitong kritikalidad, na maigiit ang isang pagtanggi, kung para lamang mapabanaag ang isang panibagong pagtataya hinggil sa mismong materyalidad ng pelikula. Sapagkat higit pa sa katotohanang maitatangi nga ang Historya bilang ang pinakamalinaw na artikulasyon ni Lav Diaz sa kaniyang prinsipyo ng paglikha, nahihinuhang inihahain din nito ang isang mungkahing pagpapahalaga hinggil sa pinakagawain ng panonood.

Tulad na rin sa iba pang mga naunang pelikula ni Diaz, ipinaalala muli ng Historya kung papaanong ang kasaysayan ng Pilipinas ay kasaysayan ng—kung hindi man kasaysayan ngang—paglalakbay: tulad na rin ng pansin ng kritikong si Noel Vera, narito muli ang pigura ng isang solterong lagalag, sa rendisyon nito bilang isang alagad ng sining na, dahil na rin sa pagkakataon, kinakailangang makipagsapalaran sa pag-asang maharap, malirip, at kinalaunang matugonan ang kasalimuotan ng pagkakasali-salikop ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Partikular sa Historya, ang tagpuan ay ang kanayunan, sa taong 1957, matapos pumanaw ng pangulong Ramon Magsaysay, at sa gayon, sa gitna ng isa muling mahalagang transisyon ng bansa: dito matatagpuan si Hernando, isang sikat na bentriloko sa bodabil ng barkong Mayflower at dating miyembro ng Huk, na ngayon ay nagbabalik sa Pilipinas, sa kaniyang sinilangang bayan ng Tagsibol, mula sa paglalayag sa karagatan ng Asya, upang mapakasalan na sa wakas ang kaniyang naghihintay na kasintahang si Rosetta, tulad na rin ng kanilang napagkasunduan noon. 

Still mula sa screener ng Historya ni Ha (2021).

Ngunit kabaligtaran sa inaasahang wakas sa mga katutubong epiko, ang bumubungad sa Historya ay ang pagkaudlot sa inaasahang pag-iisang-dibdib, sapagkat ang kasintahan ni Hernando ay kinailangan palang ipakasal sa iba upang makabayad-utang ang kanilang pamilya. Ang pagkabali ng pangakong ito—na kung tutuosin ay karagdagan lamang sa mga naranasan na ni Hernando na pagkabali ng mga salita, kabilang na ang naging pagsuko ng pinuno ng Huk na si Luis Taruc sa pamahalaan ni Magsaysay—ang magsisilbing mitsa para sa kabuoan ng pelikula: dahil na rin sa pagkawala na ng kaniyang tiwala sa mga salita, isinumpa ni Hernando na hinding-hindi na siya muling bibigkas ng mga ito, liban na lamang sa pamamagitan ng kaniyang papet na si Ha. At noon din, napagpasiyahan ni Hernando na muling lisanin ang kaniyang kinalakhang bayan, na naging dahilan upang makatagpo niya kinalaunan ang iba pang naglalagalag ding mga tauhan: si Joselito (Jonathan O. Francisco), si Dahlia (Dolly de Leon), at si Madre Lorenzana (Mae Paner), na sa iba’t ibang kadahilanan ay pare-parehong nagnanasang magtungo sa maalamat na pulo ng Diwata, kung saan sinasabing matatagpuan ang isang malaking minahan ng ginto. 

Sa pampang mula kung saan tatawid sana ang mga lagalag na ito patungong Diwata, nadatnan nilang ang lahat ng mga bangkang pumapalaot para sa isla ay napailalim na sa kapangyarihan ni Among Kuyang (Teroy Guzman), sampu ng kaniyang armadong mga tauhan; tanging ang mga tulad lamang ni Hernando na kahit papaano ay makapagbabayad sa mataas na pasaheng sinisingil nina Among ang ihahatid sa Diwata. Sa ganitong uri ng pamamalakad ni Among sa kanilang munting bayan sa tabi ng dagat, napatotohanan ang naunang babala sa pelikula hinggil sa malagim na hinaharap ng bansa dulot ng karaniwang pagbaling daw ng mga Filipino sa mga propeta at pinunong huwad. Sa ganitong paraan din naipapaalingawngaw ng pelikula sa sarili nito ang kasalukuyang danas sa bansa—hindi lamang sa pagkakatulad ng mga malawakang banghay-panlipunan sa loob at labas ng pelikula, kung hindi maging sa gampaning kinasasadlakan ng mga alagad ng sining tulad ni Hernando, na pakikipagtawaran at pakikipagtunggalian sa mararahas na kapangyarihan upang makarating ang higit na nakararami sa isang wangis ng kompromiso, kung hindi man kaganapan ng tagumpay. 

A group of people watching a person holding a sign

Description automatically generated with low confidence
Still mula sa screener ng Historya ni Ha (2021).

Subalit, higit pa sa ganitong madaling pagtutulad ng pelikula sa kasalukuyang mundong Filipino, kritikal na mapagtuonan ang mga salik ng Historya na nakapaggigiit sa pagkakaiba pa rin nito sa wakas mula sa naturang mundo, sampu na rin ng pagiging pelikula nga nito. Dito nagiging mahalagang mapagtuonan ang naging pagganap ni John Lloyd Cruz sa tauhang si Hernando sapagkat dito, kung tutuosin, pinakanaipapamalas din ng pelikula ang pagkapelikula nga nito: sapagkat hindi rin talaga isang bentriloko si Cruz, makikita ang hangganan ng kaniyang kakayanan bilang isang aktor sa pagganap sa tauhang isa ngang bentriloko; sa kaniyang pagtatangkang maisakatawan ang pagkatao ni Hernando sa mga sandali ng pagbebentrilokisa, bumabaling lamang si Cruz sa pagbabago ng kaniyang tinig nang nahahalata pa rin talaga ang pagkilos ng kaniyang bibig. Kaya rin sa isang banda, gumagana pala ang malayo-layong kuha ni Diaz sa mga eksenang pinagsasalita ni Cruz, bilang si Hernando, ang papet na si Ha bilang isang paraan din ng pagkukubli sa kawalan pala ng aktuwal na bentrilokismo sa pagtatanghal. (Ito samakatwid ang dahilan kung bakit, sa pansin na rin ng isang kritiko, kahina-hinayang na hindi naipasilay sa mga manonood ang halimbawang pagtatanghal ni Hernando sa bodabil na nakapagpaani sa kaniya ng maraming tagahanga sa kuwento: sapagkat wala rin ngang bentrilokismong maipapasilay.)

Gayunpaman, ang ganitong bentrilokismong di-bentrilokismo ni Cruz bilang si Hernando ay hindi rin masasabing pagkabigo niya bilang isang alagad ng sining: sa katunayan, sa isang mabalintunang paraan ay mapahahalagahan ang gayong pagganap ni Cruz na tila di-ganap bilang isang matalinong pagdiriin din sa kaniyang materyalidad bilang isang tao—na sa kabila ng kaniyang pagiging isang aktor, may hangganan din ang makakayanang maitanghal ng kaniyang pinakakatawan. Na sa sarili niya, si Cruz din ay matatayang isang papet na pinagtatanghal, pinagsasalita sa paraang hindi niya magawa-gawang makapagsalita. Na, sa ibang salita, ang gayong mahuhuling pagkilos pa rin ng bibig ng aktor sa kabila ng kaniya dapat pagiging isang tauhang bentriloko, ay ang paggigiit din sa katotohanan ng kaniyang pagiging isang tao, may laman at may buto, sa kabila ng halos paglagos sa mga bahaging ito ng paningin ng manonood, sapagkat ang karaniwang nakikita lamang ay ang isinasaganap na tauhan sa sinusubaybayang kuwento. Kung gayon, ano ang gayong pag-amin ni Cruz na siya nga ay nagsasalita habang pinagsasalita ng isinasakatawan niyang bentrilokong si Hernando ang papet nitong si Ha kung hindi ang pagdiriin din sa pagkapelikula nitong pelikula: na ito ay isa nga ring produkto ng paggawang kasintunay ng paggawang araw-araw nating isinasagawa, sa kabila ng bisa ng pelikula na mapalimot ang lahat ng paggawang ito, sa kakayanan na rin nitong matangay ang mga manonood tungo sa ibang mundong ipinapalabas nito? 

Still mula sa screener ng Historya ni Ha (2021).

Ang saysay ng pelikula, samakatwid, ay sa pagiging gawa-gawa nito—hindi lamang sa pagiging hindi totoo ng banghay na itinatampok sa kabila ng maaaring pagiging makasaysayan nito, kung hindi sa pagiging likha nga ng bagay na pelikula mula sa mga prosesong hindi na nagagawang mailahad pa sa sandali ng pagpapalabas. 

Sa ganitong natatayang pagpapaalala ng pelikula sa manonood hinggil sa sariling pagkapelikula nito, higit pa kung gayon sa diskurso ng representasyon at panunuliranin sa maulit na kasaysayan ng Pilipinas, natatayang ang mismong kasalukuyan ng panonood ang kritikal na sandali ng pakikipagtuos sa panahon. Tulad na lamang sa naging pagsipat ng kritikong si Jaya Jacobo sa Hele sa Hiwagang Hapis (2016) ni Diaz, dahil na rin sa sinasabing “[p]amamalagi si Diaz sa isang eksena [nang mapalawig] niya nang lubos ang stasis” ay di-maiiwasang mapatanong ang isa kung “anu-ano pa ang puwedeng bilangin sa tagal, at hanggan kailan?”—ang pagtatakang ito, na marahil bunsod na rin ng pagkaburyong sa haba ng pelikula ni Diaz, sa sarili nito, ay maitatangi bilang isang anyo ng pakikipagtuos dulot ng pelikula, na sa ibang pagkakataon ay maaaring makapagdulot din ng lugod para sa ibang manonood. Sa gayon, marahil higit pa sa pagsasakatawan sa tinataya ni Diaz na “panahong Malay,” ang kahabaan ng oras ng kaniyang mga pelikula ay lumalabas bilang isang mariing paggigiit sa materyalidad ng kaniyang paggawa. At sa gayon din, hindi lamang nagagawa ni Diaz na maibigkis ang kaniyang mga tauhan sa mga manonood sa bisa ng damdaming inilalahad sa pinilakang-tabing, kung hindi ibinibigkis din niya ang mimsong mga nagsipagganap sa mga manonood sa bisa ng kanilang kapwa paggawa—para sa mga aktor, ang pagtatanghal; at sa mga manonood, ang pagsubaybay. 

Kaya rin kritikal sa paglikha ni Diaz na ang tanging nakapapanood ng kaniyang mga likha tulad ng Historya—na may habang apat na oras mahigit—ay silang may labis-labis na oras, hindi lamang para sa mismong panonood, kung hindi maging sa pagtatangkang pag-unawa sa napanood: ito ang pagkakataon para sa burgis na mahantong ang panonood din sa kaniyang pinakasarili, marahil simula sa pagtatanong kung bakit nga ba pinanonood ang pelikulang nasa kaniyang harapan. Ibig sabihin, ang kasalimuotan ng pelikula (at sa isang banda, pati na ang kasalimuotan ng pag-iisip, at pagsulat ng ganitong pag-iisip, hinggil sa pelikula) ay inaaring pagkakataon upang makapagtuos tungo sa panibagong kabatiran hinggil sa pagkakalugar ng sarili sa kasalukuyan—at kung gayon, ang pagkakasangkot din pala talaga ng sarili sa mga bagay (tulad ng pelikula!) na inaakalang pinapanood lamang. Sapagkat sa huli, ang mababanaag ay kung papaanong ang Historya ni Ha ay historyang kinapapalooban din nating manonood: ano nga ba tayong mga nanonood kung hindi mga bentriloko at papet ding nagtatanghal at itinatanghal sa bodebil ng pang-araw-araw na Pilipinas? At sino si Hernando at kaniyang mga kasamang lagalag kung hindi mga nakakasalubong natin sa daan na hindi nagsasalita o nakapagsasalita, sampu ng pandarahas sa kanila, at sa ating lahat, ng parehong araw-araw?

Still mula sa screener ng Historya ni Ha (2021).

Sa paraang ito ng pagpapahalaga sa pagsasalikop ng realidad at pelikula, kung hindi man ng anumang anyo ng sining, nagiging madali ang bumigay sa tuksong talikuran sa wakas ang huli, sapagkat kung gayon ngang may mga bagay na higit na kagyat na nangangailangan ng ating pagtuon ay bakit pa nga ba ibabaling ito sa mga likhang-sining? Ang maaaring pagtanggi, para kay Diaz, sa kaniyang Historya, ay ito: “Masyado nang maingay ang mundo. Nawalan na ng saysay ang salita.” Kung kaya sa gitna ng kasalukuyang tigib na tigib sa mga hungkag na nilalamang panoorin—at pilit ipinapanood—nagiging higit na kritikal lamang ang mga bagay na ating pipiliing paglaanan ng ating pinakamasinsing pagtuon. At kung ang sining, partikular na ang pelikula tulad ng Historya ni Diaz, ang isa sa matatayang huling kanlungan ng katahimikan mula kung saan maaaring magkaroon muli ng kahulugan ang lahat, maaari lamang masabi: may saysay pa rin talaga ngayon ang pakikipagtuos sa panahon nito.

 
Leave a comment

Posted by on 13 December 2022 in 2021 Citations, Film Review

 

Tags: ,

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.