RSS

God BLISS Our Home (2017): Tapatan

15 Aug

Aristotle J. Atienza

 

May halina ang katapatan ng dokumentaryong God BLISS Our Home ni Nawruz Paguidopon. Maaaring inaasahan kung suliraning madalas na hinaharap ng anyo ang pagiging makatotohanan (kaya ba’t madulas at mailap), pero hindi laging inaasahan ang katipiran kung paano nito ibinabahagi at ipinamamahagi ang karanasan ng buhay, lalo pa’t sariling talambuhay ang nakikitang isinasalaysay. Maaasahan ang mga naririyan nang makabagong teknolohiya ng pang-araw-araw na lumihis sa nakasanayang pamamaraan upang maipamalas sa manonood hindi ang inaakalang kaalwalan ng buhay, na karaniwang kalat na kalat nang palabas na gawa ng mga ganitong kagamitan, kundi pa ang kabiguan mula sa mga ipinakikita’t ipinaririnig sa pelikula, bagay na makikitang kalimitan namang inilalarawan sa ordinaryong dokumentaryo. Narito sa humaling sa katapatan ng katipiran at kawalan ang pakikipagbunong haharapin sa God BLISS Our Home.

Tulad ng nasulyapan na sa kaniyang pelikulang A Journey to Haifa (2014), na kabilang sa mga dokumentaryong ipinalabas sa Cine Totoo: Philippine International Documentary Film Festival ng GMA News TV, maglalakbay muli ang dokumentarista, kukunan ang sariling bitbit ang mga maaasahang kamerang GoPro, DLSR, handycam (kasama na ang selfie stick). Gaya ng praktis ng pagmamatyag sa mga instrumento ng pagkuha, masasaksihan sa pribadong buhay ng lumikha ang pagnanasang sagutan ang suliraning tagapagtakda ng kaisahan ng dokumentaryo – ang paghahanap ng kaginhawahan sa buhay. Sa ganitong paraan nagiging totoo ang pelikula lalo na’t inilulugar ang kalidad ng mga kuha (ang kakayahan ng liit at gaan ng kamera) sa mga pamilyar na kuwadro ng mga pang-araw-araw. Ang katapatan ay nasa antas ng pagiging hayag ng mga pamamaraang kinakasangkapan pero hindi nakaaabot upang magsilbing gabay mismo para maunawaan ang halaga ng pagmamalay sa nililikhang katapatan. Ang dalhin ang manonood sa mga planadong paghuli sa iba’t ibang sitwasyong pinapasukan ng personal na buhay ang nagagawa ng kaniyang pagkamalay, ang takdaan ang mga nilikhang aksidente ng bigat ng katotohanang tunay na nangyari ang nasaksihan sapagkat naroon siya. Pero mapagkunwari pa rin, dahil nakaraan na ang inilalantad nakapanliligaw maging ang paggabay ng pumapaimbabaw na maramdaming tinig ng kasalukuyan na inilalangkap sa hinaing at hinanakit na nararanasan. Hahanapin mo ang balintuna, na kahit paano’y nakapagpapangiti, pero upang makuha lamang ang suspetsa. Sa huli, sa kabila ng pagtatangkang maging malay, matutuklasan pa rin sa dokumentaryo ang lakas ng pananalig sa katapatan ng kamera, sa paghahari nitong hindi nababali ang sinasabi.

GOD BLISS OUR HOME naw at bliss 2017

Still photo courtesy of Nawruz Paguidopon

Kung may naihihiwalay na sariling buhay ang manlilikha sa kinaugaliang dokumentaryo dahil abalang kumukuha sa buhay nang may buhay, na karaniwang kapuspalad, babad na babad naman ang pelikula sa buhay ng dokumentarista sa kaniyang pagsisikap na magkaroon ng matiwasay na pamumuhay sa Kamaynilaan. Labing-isang taon nang naninirahan si Naw (Nawruz Paguidopon) sa Bliss sa Lunsod Quezon mula nang pumasok at makapagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas hanggang sa makahanap ng trabaho rito. Aminadong hindi sapat ang sinusuweldo kaya’t upang mabawasan ang alalahanin sa pinagkakagastusan, pinlanong umupa ng isang buong yunit para mapangupahan sa iba, ang bayad sa pangungupa ng iba ang magiging pambayad niya sa tinitirhan. Pero hindi ito magiging madali dahil kakailanganin niya ng pera upang maisakatuparan ang minimithi, kaya’t magiging pangangalap ng mga pondo itong susuunging paglalakbay ng dokumentaryo. Bukod sa kita at sa pakiusap sa ina na sumusuporta pa rin sa kaniya sa oras ng matinding pangangailangan, sinubukan niyang magbenta ng mga produktong pampaganda mula sa kompanyang paminsan-minsang pinagtatrabahuan, magsugal sa City of Dreams kasama ng kaniyang mga kaibigan, at magpaluwagan sa komunidad na kinabibilangan. Pero wala sa sariling palad ang kaniyang kapalaran, sasamantalahin ng isang malakas na bagyo ang kaniyang mga plano sa buhay kaya’t sa alok ng magulang ay mapapauwi na lamang sa probinsyang kinalakihan.

Dapat pansining bagama’t ikinukuwento ng dokumentaryo ang mga pangyayaring naganap sa kaniyang buhay na hindi maipagkakamaling gitnang-uri, tinangkang maiwasan na tawirin ng pelikula, kahit paano, sa abot ng mapagbibigyang kakayahan, na maging pagsasalsal lamang ito ng sarili. Dahil gumagalaw sa pakikipag-ugnayan sa iba pang nakapaligid sa kaniya, madaraanan din ng kaniyang paglalakbay ang iba’t ibang pakikipagpagrelasyon sa makakasalamuhang kapitbahay, kaibigan, kapamilya, kapuso, at kahit maging kababayan. Mababahaginan tayo ng mga pagsusumikap nina Anita at Criselda, mga katulong ni Naw sa paghahanap ng paupahan at pagkakakitaan. Makikisakay sa mga kaibigang tataya sa mas katanggap-tanggap na pasugalan. Makikitira sa ina, ama, kapatid, mga kapamilyang makakasundo at hindi makakasundo batay na rin sa mga desisyong piniling tahakin. Makakapiling ang mga lalaking makahahalubilo sa pagnanasang makahanap ng mapagsasaluhan ng mga pangarap sa buhay. Sa pag-usad ng sari-saring pangyayaring inilahad sa atin ng pelikula, mararamdamang patong-patong ang mga kabiguan, pero hindi upang hindi ito maluwalhating madiskubre ng iba, ang Doc Spirit Award mula sa Docs Port Incheon (2014) ng Timog Korea, na magtatakdang karapat-dapat ngang maisalaysay itong pagdurusa, at hindi ang iba pa.

GOD BLISS OUR HOME anita at naw 2017

Still photo courtesy of Nawruz Paguidopon

Habang naglalakbay kumakapal pang lalo ang mga tala ng buhay sa mga pangyayaring nararanasan ng bansa na isinasangkot sa paglalantad ng sarili. Binuksan niya ang dokumentaryo sa pagpapakilala sa Bliss bilang proyekto ng mga Marcos na nagtangkang harapin noon ang suliranin sa pabahay, na suliraning tinatapatan din naman niya sa kasalukuyan. Pero wala na lamang sa nalulumang gusali ang pag-iral ng mga Marcos dahil tila sinasabing minamana pa rin niya, nila, natin ang krisis na dinadama ngayon ng sarili at ng iba pa. Lalo na’t sa pulidong pagtatahi ni Lawrence Ang, ang editor, sa mga likhang animation at sa mga sinadyang kuhang larawan ng mga pang-araw-araw, nagagawa ng dokumentaryong paglaruan ang katipiran ng hindi kayang kunan o mahirap kunan (pero nakukunan pa rin) at pagtanghalin, sa tulong ng lumanay ng musika ni Diwa De Leon, ang mga pangarap ng kawalan at kabiguang nararanasan din ng iba sa kasalukuyan. Lalakbayin din niya ang iba pang pinunong nangako ng katiwasayan sa bansa sa kaniyang panahon hanggang umabot sa pagtatapos, sa pagnanasang darating ang pagbabago sa isa pang pangako, mula naman ngayon sa paghahalal sa isang bagong pangulo kasabay ng pagpiling lisanin ang kinalakhang kapaligiran matapos ang bagong taon upang ipagpatuloy ang pakikipagsapalaran at pakikipagtunggalian, kasama ng marami pang iba, sa kalunsurang pinipiling maging tahanan, dahil kahit paano ay nakapagpapalaya, kahit hindi pa muna nakapagpapasaya sa kaniya.

Ang katapatan sa dokumentaryong God BLISS Our Home ay nasa kaniyang pagtatapat. Inihaharap sa kamera ang mga kabiguang nararamdaman sa buhay sa paninindigang may kaginhawahang kailangang ipaglaban para sa hinaharap. Pero ang halina ay nasa pagtinging katotohanan na ang katapatan.

Advertisements
 
Leave a comment

Posted by on 15 August 2018 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

 
%d bloggers like this: