RSS

Pagkilala sa Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral ng 2015

12 Oct

J. Pilapil Jacobo

Tinutukoy ng kategoryang Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral ang paglalapat ng mga aspektong may kinalaman sa tunog sa pelikula, musika, likas na tunog, sound effects, habang ang mga ito ay sumasalungat o inaayon sa lengguwahe ng mga imahen, at kung gayon ay nagiging makahulugang sistema ng pananagisag mismo. Iginagawad ang pagkilala sa sound engineer at sa tagapaglapat ng musika.

Nominado sina:

Gilbert Obispo at Jake Abella, para sa pelikulang Ari: My Life With A King, kung saan lubos na malikhain ang pagtatanghal sa matandang tradisyon ng panulaang Kapampangan na nakabatay sa taludturang pakikipagtalo ng Crissotan bilang sugpungan ng palatunugang bayan na patuloy na umuugat sa mga hangarin ng awiting bayan na “Atin Cu Pung Singsing” at sa mga ingay at katahimikang itinakda ng masakunang buhay sa paligid ng bulkan at baha.

Nominado rin sina:

Addis Tabong at Francis Concio para sa pelikulang Halik sa Hangin, na muling pinaigting ang mga pangungusap at pakiusap na kasangkot sa romantikong pag-uulayawan ng mga nilalang na magkaiba man ang mundo ay nauuwi pa rin ang palitan sa wagas na kapusukan ng puso ng tao. Napakatimyas ng talinghaga ng gitara bilang hudyat ng pagkakataon para sa pag-ibig na nilalagom ng pamaksang awitin na itinanghal ni Ebe Dancel, ang “Halik sa Hangin.”

vlcsnap-2016-10-12-15h44m36s226

Ang videoke (awitin ni Yoyoy Villame at imahe ni Kidlat Tahimik) sa Balikbayan # 1 Memories of Overdevelopment Redux III 

 

Subalit ang Pinakamahusay na Tunog at Orkestrasyong Awral para sa Taong Pampelikula ng 2015 ay iginagawad kina:

Ed de Guia, Los Indios de España, at Shanto para sa pelikulang Balikbayan # 1 Memories of Overdevelopment Redux III, na sa kanyang post-kolonyal kasaysayan ng ating bayan, ay naisasaysay rin ang salimbayan ng mga tunog, himig, at pananahimik na nagbibigay ng salimuot sa paggalugad ng ating abot-malay sa magiting na tinig ng pakikihamok at kalayaan. Mula sa palitan ng gangsa at ng plawta, sa ingay ng mga awiting bumubulwak mula sa mga makina, sa hindi matatawarang balintuna ni Yoyoy Villame, at pati na rin ng mga impit at ng mga hiningang nakapaloob sa mga wikang Tagalog, Ilokano, Bisaya, sa mga katagang nagugumiit ng kaibang salaysay mula sa Cordillera, sa mga matalas ngunit mapinsalang idyoma ng Espanyol at Ingles, matagumpay na naitutugtog ang isang makabuluhang sipat sa talatinigang bayan na sa pandinig ng laging may hinuha, hinding hindi mapapara.

 
Leave a comment

Posted by on 12/10/2016 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: