RSS

Pag-ibig sa Liminal na Daigdig

11 Sep

Jema M. Pamintuan

Ipinanukala ng pelikulang “Halik sa Hangin” (Emmanuel Palo, 2015) ang pagsalig sa magkakasanib na tema ng melodrama, horror, at romance, alinsunod sa tangka nitong maghain ng naiibang anyo ng aliw sa mga manonood. Kinasangkapan nito ang lunsod ng Baguio bilang lunang pangyayarihan ng mga eksena, na may kombinasyon ng mapang-akit nitong topograpiya at klima. Uminog ang pelikula sa nabuong pag-iibigan sa pagitan nina Mia (Julia Montes) at Gio (Gerald Anderson). Namatay ang ama (Jett Pangan) ni Mia, na isang musikero/kompositor, at tanging mga larawan, painting, at video nito ang patuloy na nag-uugnay sa kanila. Nangangaiba si Mia sa bagong pamilyang kinasasangkutan niya, kapiling ang kaniyang ina (Ina Raymundo), amain (Edu Manzano) at batang kapatid sa ina (Miguel Vergara). Pinili niyang maging tiwalag sa pamilya, na bagaman naroon siya halimbawa sa mga pagkakataong kasama at kahalubilo ang mag-anak ay wala ang loob niya sa mga iyon. Mula sa tangka ng kaniyang ina na higit pang makasama at mapalapit sa anak habang pareho silang nagmamasa ng tinapay sa kanilang bakeshop, hanggang sa plano ng kaniyang amain na magbiyahe sila papuntang Vancouver, at pagpigil ng amain na magkaroon ng gitara si Mia para sa kaarawan—mas pinili niyang mapag-isa bagaman ayaw niyang mag-isa.

Gagawin ni Mia ang anumang maaaring magpalapit sa kaniya sa yumaong ama, kahit pa ang pagpunta sa lumang bahay para kunin ang isang sirang gitara roon na minsan niyang nakita. Sa bisa ng pagtatanghal ni Julia Montes, katulad rin ni Mia ang tahanan at ang gitara—animo’y naabandona, may kadiliman, nakatiwangwang, may pakiramdam ng kahungkagan, wari ang kaniyang nanlulumong disposisyon sa bagong buhay niya sa Baguio kasama ang pamilya. Nagpapatianod na lamang sa iskedyul at mga tungkulin sa araw-araw, sa mga gawaing-bahay, sa mga sapalaran nito at pakikiangkop sa mga kaklase sa paaralan.  Bagaman may isang masugid na nanunuyo sa kaniya, si Alvin (JC de Vera), konsistent si Mia na umalpas mula sa munting kuwadro ng kaniyang mundo sa loob at labas ng tahanan, lalo pa at malapit sa kanilang pamilya si Alvin. Hindi ito ang magdadala sa kaniya sa mas malawak at iba pang mundo, anuman iyon, maliban sa kasalukuyan niyang mundo. Isang makapagbabalik ng naunsyami nilang ugnayan ng ama, isang kasalo sa pagitan ng kaniyang mga dalamhati at salamisim, na makapagpapahupa sa nararamdamang salimuot ng pag-iisa.

Malinaw ang pagtatampok ng naratibo sa inaasam ng pangunahing tauhan. Sa mundong kapiling si Gio, naging tila likhang imahinasyon ang pamilya at mga kaibigan ni Mia. At ito naman ang gusto ni Mia. Madali siyang nagpakonsumo sa timyas ng bagong ugnayan. Hindi na alintana ni Mia ang pagkabagabag ng mga kaibigan at pamilya, lalo at napapansin ang mga kakatwang kilos nito sa sinasariling mundo. May kinakausap si Mia bagaman wala naman roon, ikinagigiliw niya ang halimuyak ng mga rosas na mula umano kay Gio bagaman lanta na ang hawak-hawak na bungkos, binabalik-balikan nito ang mga love notes ni Gio bagaman sulat-kamay ni Mia ang mababasa sa mga iyon, at muli niyang binuhay ang pagmamahal sa pagtugtog ng gitarang kinuha niya mula sa abandonadong tahanan, na pagmamay-ari pala ni Gio. Anumang paratang hinggil sa kaniyang delusyon ay ibinalik lamang ni Mia sa pamilya at mga kaibigan. Sa eksenang nagharap-harap ang pamilya at mga kaibigan ni Mia, isiniwalat ang pagkagumon niya sa tila “nilikhang” mundo, at ang pag-iral ng iniibig na produkto lamang umano ng kaniyang guni-guni.

Ang halina ng pelikula ay nasa nagsasalitang kulay ng misteryo at kilig, waring patibong sa manonood na walang malay sa talim ng mga nakaambang paglalantad sa naratibo. Kinasangkapan ng pelikula, sa pamamagitan ng sinematograpiya at disensyong pamproduksyon, ang ilang lunan sa Baguio na aangkop sa sagkaan ng balisa at kaaya-aya, lamlam at lugod, at nakapagitna sina Mia at Gio sa mga ito. Ang romantikong tagpuan na isa palang sementeryo, at ang tulay na nagpagunita sa kasawian ng ama ni Mia, at pagka’y lalong paglapit ni Mia kay Gio, ang ilang halimbawa ng mga ito. Nakatulong ang kalmadong atmospera na inihatid ng kamera at editing para sa kataliwas na mapaminsalang mga pagbabadya ng karakter ni Gio. May ginhawang hatid ang mga lambingan sa pagitan ng mayayabong na puno ng Baguio, gayundin, may lunggating mababanaag mula sa inaagiw at madilim na tahanan ni Gio. Epektibo ang orkestrasyon ng ganitong mga batbatan sa biswal na aspekto ng pelikula.

halik-sa-hangin

“‘Wag … ‘wag mo siyang sasaktan,” pakiusap ni Mia (Julia Montes) kay Gio (Gerald Anderson). (screengrab mula sa screener ng Halik sa Hangin ng Star Cinema)

Bukod sa tagisan ng mga mundong ginagalawan ni Mia, at ang nagtatalong mga imahen ng mga espasyo, matimpi ang tono ng horror sa pelikula, na maaaring dulot ng paglalangkap nito ng romance sa naratibo. At mula rito, maaaring hindi nga katatakutan ang ibig pagtuunan ng pelikula, lalo pa at hindi na idiniin, halimbawa, ang paglikha ng eksaheradong make-up o prosthetics upang magtanghal ng golpe-de-gulat na imahen ng bangkay. Sa halip, inilahad ng pelikula ang tungkol sa giting ng mga magsing-irog na alpasan at tawirin ang pagkakaiba ng kanilang mga mundo. Na, sa huli, nahamon, nausisa, at nausig nga ang giting na ito. Ibig makuha ni Gio si Mia at dalhin ito sa kabilang buhay, upang may makasama siya. Laking gulat ni Mia na ang tamis at ligaya niya ay isa palang multo, at hindi niya ngayon iiwan ang mundong kapiling ang pamilya at mga kaibigan, ang mundong sa una’y kinasuklaman niya. Biglang nagkatunggali ang dalawang tauhang may kani-kaniya ngayong ipinaglalaban: una, ang multong marubdob at napopoot kapag hindi nakukuha ang kagustuhan, tulad ng nauna nitong panliligalig sa dating kasintahang (Jasmine Curtis Smith) nangakong magpapakamatay rin at sasama sa kaniya, at ikalawa, ang dalagang nalunod sa damdamin nito para kay Gio at nang malaman ang lihim ng kasintahan, ay hindi na mapanindigan ang pangakong sasama siya rito. Dito nagkaroon ng posibilidad ng pagtatapos ng romantikong anggulo sa pelikula, at senyal ng pagpapaunlad sa horror, sang-ayon sa mapaghiganting mga balak ni Gio.

Subalit hindi na lamang ito kumbensyonal na kuwento ng multo na kailangang magapi sa pamamagitan ng interbensyon ng krus at agua bendita; higit pang nagtataglay ng komplikasyon ang katauhan ni Gio, at maaaring higit pa sa agua bendita ang ganap na makatutugon rito. Ito ang nauna nang ipinangako ng pelikula sa simula, dahil nga sa tangkang magtuon sa romantikong naratibo, sa suyuang nauwi paglaon sa pagmamahalan, na halos sumaklaw sa mahigit kalahating porsyento ng kabuuan ng pelikula. Sa mga eksenang may Bible study sessions ang pamilya ni Mia kasama ang pari ng parokya (Boboy Garovillo), ipinayo ng pari na “Huwag magpapasok ng mga impure na bagay.” Nabahala si Mia rito, at naisip ang gitara. Itong binanggit ng pari, at mga kaugnay na tema nito, ang inaasahang hahamunin ng pelikula. Na ang ibinadyang pakikipagbuno ng pamilya sa isang suliraning may kaugnayan sa kababalaghan ay hindi lamang mauuwi sa karaniwang tunguhin na nananaig ang “kabutihan laban sa kasamaan,” na ang pananalig sa pinaniniwalaang relihiyon ang magsasalba sa mga tauhan at pupuksa sa “negatibong” elemento. Pagkat hindi naman naipintang “diablo sa kasamaan” si Gio, kung susundan ang naratibo ng pelikula. Higit na binigyang-diin ang simbuyo nito noong hindi nagpakamatay ang dating kasintahang nangakong sasamahan siya sa kabilang buhay. Dahil sa ginawang pambubulabog ni Gio sa dating kasintahan, napilitan ang huli na pumasok sa kumbento. Tinakasan nito ang panggugulo ng multo, at mga multo ng nakaraang buhay kapiling si Gio. At ani nito, “hindi naman niya (Gio) ako masusundan rito.” Nililinaw ng mga salitang ito na proteksyon ang kumbento laban kay Gio, na kasama si Gio sa puwersa ng kasamaang sinasagka ng kasagraduhan ng kumbento. Wari’y naumid ang kasalimuotan ng karakter ni Gio at isinadlak na lamang sa ganitong imahen.

Kaya nabawasan ang potensiya ng pelikula, lalo na sa mga huling eksena. Tila nawalan ng saysay ang itinatag nitong pundasyon ng kuwento sa simula, tungkol sa mga lunang naririto subalit wala, sa pag-iibigang kapwa umiiral at pinapantasya, nakikita/nasasalat at malikmata, at sa inambisyong tema ng “nag-aanyong katatakutan/romansa subalit hindi katatakutan/romansa.” Isa-isa nang sinasaktan ni Gio ang pamilya at kaibigan ni Mia. Dumating ang pari, isinama nito sa lumang tahanan ni Gio ang batang kapatid ni Mia sa ritwal ng pagbabasbas sa mga labi ng namatay (at mapagtatakhan rito kung bakit isinangkot ng pari ang isang walong taong gulang na bata sa maselang balakin na labanan ang multo). Natumba ang pari dahil sa lakas ng puwersa ng multo, at naiwan ang batang nagwiwisik ng agua bendita sa abo ng mga namatay. Nagpokus ang kamera sa mukha ni Gio, na animo’y naapektuhan ng agua bendita, at tila biglang napaamo. At saka ito nagpasyang iligtas si Mia nang taos nang mag-aalay ng kaniyang sarili ang dalaga para iligtas si Alvin.

Nailigtas ba si Mia, dahil naantig si Gio at ipinakitang sa huli ay totoong minamahal siya nito, o dahil sa pagdantay kay Gio ng agua bendita? Ang inilalahad ng naitatag nang naratibo simula sa mga naunang eksena ng pelikula–pag-ibig ni Gio para kay Mia ang pinanaig, hindi usapin ng “mabuti laban sa masama” ang tumapos sa tunggalian at nagdulot ng mapayapang pamamaalam nila sa isa’t isa. Ang inihahayag naman ng bisa ng editing sa mga huling eksena kung paano natahimik ang kapusukan ng multo, ay utang sa kapangyarihan ng agua bendita. Kung higit na nangingibabaw ang huli, ang kalituhan ng pelikula sa sariling naratibo ang nakapagpahina rito, at iniuwi sa mabilis na pagsandal sa didaktisismo ang lahat ng napuhunang potensyal na pagbabalikwas sa nakagawiang pagkukuwento.

 
Leave a comment

Posted by on 11/09/2016 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: