RSS

Rebolusyonaryo, Hindi Natatapos: Rebyu ng Shapes of Crimson (Emil James Mijares, 2015)

09 Sep

Emerald Flaviano

Isinasara ni EJ Mijares ang kaniyang Shapes of Crimson (2015) sa nag-iisang paglalakad ni Bonifacio Ilagan, playwright, filmmaker, aktibista, at subject ng kanyang dokumentaryo, sa ngayo’y tibag ng lumang overpass sa Philcoa. Abala si Boni sa pakikipag-usap sa cellphone—malamang para sa isa na namang dula, o pagpapalabas ng pelikula o dokumentaryo, o protesta—at hindi niya pansin na mag-isa na lang pala niyang tinatalunton ang kongkretong tulay. Sa tabi nito ang bagong-bagong PHP30-milyong,[1] 30 foot-tall na steel bridge na ipinatayo ng lokal na pamahalaan at ngayo’y siyang gamit na ng kalakhan ng mga tumatawid sa magkabilang panig ng Commonwealth Avenue. Marapat na pangwakas ang eksenang ito na bumubuod sa buhay ni Boni, ng malungkot na daang tinatahak ng rebolusyonaryong kinatandaan na ang pakikibaka.

shapes-of-crimson-1

Mag-isang tinatalunton ni Boni ang overpass sa Philcoa. (screengrab mula sa screener ng Shapes of Crimson)

Inuusisa ng Shapes of Crimson kung ano ba ang isang bayani, sa labas ng mga pintang mural na bahagi ng araw-araw na pag-aalaala na alok at akit ng kalsada: lampas sa romantikong rebolusyonaryong ideyal ng pagpapakamartir, ano ba ang paggawa ng isang dakila sa karaniwang araw-araw, ng paghahanap ng mailap na revolutionary moment? Ano ang kapalaran ng bayaning kinatandaan na ang laban? Ano pang pakikibaka ang kinakaya ng marupok ng mga katawang dati ay kayang tiisin ang halos walang patid na torture? Tahasan ang atake ng Shapes sa mga tanong na ito, sa papel ng kamera bilang rekorder ng naratibo ng nagpapatuloy pa ring rebolusyonaryo. Sunud-sunuran ang dokyu sa mga lakad ni Boni: sa pagpupulong ng FQS Movement, sa lamay ni Behn Cervantes, sa screening ng isa sa kanyang mga pelikula sa isang unibersidad, sa rali sa Mendiola, sa interbyu para sa iba pang dokyu, sa acupuncture clinic. Walang namamagitang musika, at boses ni Boni ang nagtatakda ng daloy at dating ng dokumentaryo.

Para kay Jill Godmilow (81), ang dokumentaryo ay nage-edify, naglalayong “to persuade and to elevate—to raise up the audience to a more sophisticated or refined notion of what is.”[2] Saan itinataas ng Shapes ang pagkakaintindi sa realidad ni Boni at ng iba pang mga tulad niyang matatandang rebolusyonaryo? Dakila ang pakay na ito, dahil direktang kinakasangkot ng dokumentaryo ang realidad—ang subject na patuloy na umiiral pagkatapos ng mismong dokyu. Para sa Shapes, may partikular na urgency ang kwento ni Boni dahil sa ngayo’y nanganganib—sa pagkalimot, sa pagbabalewala—ng mga alaala ng pakikibaka laban sa diktadurya ni Marcos. Maagang nilatag sa dokyu ang problematique na ito, nang bigyang katawan ang voice-over narration ni Boni nang ipakita siyang namamahala ng meeting ng FQS Movement. “Mayroon tayong dapat gawin, upang kahit wala na tayo physically may maiiwang alaala ang ating henerasyon sa kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan ngayon at sa mga susunod pang salinlahi,” sabi ni Boni. Masigasig siya sa pagsunod sa sariling panghihikayat: mula sa bunsong suportado sa piniling paraan ng aktibismo, hanggang sa mga pagsisikap na maisabay ang kilusan sa mga nagbabagong kausuhan ng panahon. Habang nagpapatuloy pa rin siya sa teatro, na matagal na niyang piling sining, nagsusulat din ng mga dulang pampelikula si Boni. Ang mga pelikulang Migrante (2014), Sigwa (2010), Dukot (2009), at The Flor Contemplacion Story (1995) ay bunga ng kanyang matagal na collaboration kasama ng kapwa miyembro ng Concerned Artists of the Philippines na si Joel Lamangan.

vlcsnap-2016-09-09-07h33m56s5

“Huwag mong gawing dahilan ang pagkatalo para umatras sa laban,” payo ni Boni kay Dey, ang bunsong anak. (screengrab mula sa screener ng Shapes of Crimson)

Bahagi ang Shapes ng Franco-German-Filipino 2014 Documentary Workshop, at kasama ng Daughters of the Cordillera (Ilang-Ilang Quijano) at Portraits of Mosquito Press (JL Burgos) na bunga rin ng parehong workshop, nagbabalik-tanaw at tinatalunton ang katuluyan ng mga dating pakikibaka ng magulang sa mga anak at apo. Hindi bago para kay Boni ang paglalahad ng naranasang torture sa ilalim ng Batas Militar ni Marcos. Suki siya ng mga pagbabalik-tanaw sa news media sa tuwing sasapit ang anibersaryo ng Proclamation 1081, bagay na pahiwatig ng Shapes nang silipin ang pag-aalala ni Boni sa panahong biniktima siya ng pamahalaan sa harap ng grupo ng mga banyagang documentary filmmakers: dalawang taong nadetene at nakaranas ng torture. Banayad na pagsu-suma na ito sa mga kwento ng torture na ibinahagi niya sa ibang venue: ang paghubarin sa tapat ng aircon at paupuin sa yelo, pagkatapos ay bubuhusan ng kumukulong tubig[3]; ang “San Juanico Bridge” at ang pagpasok ng tingting na may sabon sa kanyang ari; ang 1-2 oras na pagpukpok ng bote ng soft drink sa mga binti.[4]

Pinapangarap ng mga interview na ito at ng Shapes ang isang idealized na sympathetic audience. O sa kaso ngayong naglipana ang mga loyalista ni Marcos sa social media at mga kabataang isinasantabi ang kasaysayan bilang bagay na dapat palipasin na (lang), magiging sympathetic. Ang audience na ito ay binigyang katawan sa isang video post sa Facebook ng Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacañang, grupong nabuo ilang buwan lang bago ang eleksyon 2016 at kung saan si Boni ay isa sa mga lead conveners. Sa video na ito—na naging viral pa—pinagharap ang mga lolo at lola na naging biktima ng torture sa ilalim ng diktadura at mga teenager, na siya namang nagpaumanhin at naiyak pa pagkatapos mapakinggan ang kwento ng mga matatanda. Bagamat walang katumbas na release para kay Boni—posible lamang sa pagkakaharap ng nagaalaala at kinukuwentuhan—tulad ng sa mga matatanda sa CARMMA video, mahalaga pa rin ang mga dokumentaryo tulad ng Shapes. Kailangan ng representasyon, ng mas malakas, mas malawak na boses, ang radikal na mga nakipaglaban sa diktadurang Marcos, na kahit matagal na panahong marginalized sa naratibo ng “paglaya” dulot ng EDSA I, ay hindi pa rin namamahinga—nagbabagong hugis, pero nananatiling pula.

Kung aktibista ka, ‘di ka pwedeng mag-retire. Ang trabaho ay nagpapatuloy hanggang sa ikaw ay pumanaw. When you really come down to it, kung talagang in-imbibe mo na ‘yung kilusan bilang way of life, there’s no way na makakahulagpos ka talaga. Babalik at babalik ka. (Bonifacio Ilagan sa Shapes of Crimson, EJ Mijares, 2014)

__________

[1] Andrade, Jeannette I. and Jerry E. Esplanada. “QC’s high footbridge is also ‘high-voltage’.” Philippine Daily Inquirer, 4 October 2013. URL: http://newsinfo.inquirer.net/500255/qcs-high-footbridge-is-also-high-voltage.

[2] Godmilow, Jill and Ann-Louise Shapiro. 2007. “How Real Is the Reality in Documentary Film?” History and Theory 36(4): 80-101. DOI: 10.1111/0018-2656.00032.

[3] Boni Ilagan narrates his Martial Law experience. Uploaded on Sep 23, 2014 03:10 pm. http://www.gmanetwork.com/news/video/219037/investigativedocumentaries/boni-ilagan-narrates-his-martial-law-experience. 0:05:55

[4] Bonifacio Ilagan – Arrest and Torture in 1974.m4v. News5philippines, Published on Sep 17, 2012. https://www.youtube.com/watch?v=kyPE3HzusWs. 0:08:15.

 
Leave a comment

Posted by on 09/09/2016 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: