RSS

Pagkilala sa Pinakamahusay na Sinematograpiya at Disenyong Biswal ng 2013

02 May

JPaul S. Manzanilla

Ang sinematograpiya at disenyong biswal ay tumutukoy sa mise-en-scene at sa mga kalidad nitong biswal/plastik disenyong pamproduksiyon, pag-iilaw, direksiyon ng sining, visual effects na nagbibigay anyo sa anumang representasyon na inilalantad sa telon; at ikinikintal ang pagsasaanyo ng mga puwersang panlipunan at mga kultura sa mga sandali ng kontradiksiyon, pagsasanib, enkwentro, pagtatagpo, pakikipagtunggali o pagkakaugnay sa bawat isa. Ipinagkakaloob ang Pinakamahusay na Sinematograpiya at Disenyong Biswal sa sinematograper at sa taga-disenyo ng produksiyon.

Maraming nominado para sa pinakamahusay na Sinematograpiya at Disenyong Biswal para sa taong 2013. Sila ay ang mga sumusunod: Mga Anino ng Kahapon, Dexter dela Peña at Jan Tristan Pandy (Sinematograpiya), Whammy Alcazaren (Disenyong Biswal), Frances Grace Mortel at Rita Vargas (Art Direction), Phyllis Grae Grande (Set Decoration); Badil, Neil Daza (Sinematograpiya), Jayvee Taduran (Disenyong Biswal), at Donald Camon (Art Direction); Debosyon, Dexter dela Peña (Sinematograpiya), Roy Dominguiano at Pat Noveno (Art Direction), Dennis Corteza and Paolo Rey Mendoza Piaña (Disenyong Biswal), Omar Aguilar (Visual Effects); Dukit, Triztan Garcia, Bruno Tiotuico, Jeffrey Icawat, and Diego Dobles (Sinematograpiya), Leo Abaya at Olga Marquez (Disenyong Biswal); The Guerrilla Is a Poet, Kiri Dalena (Sinematograpiya) at Sari Dalena (Disenyong Biswal); Ang Kwento ni Mabuti, Albert Banzon (Sinematograpiya), Cesar Hernando at Mes de Guzman (Disenyong Biswal); Pagpag, David Diaz-Abaya (Sinematograpiya), Luis Custodio IV (Disenyong Biswal), Daren Francis Raña (Visual Effects); Porno, Albert Banzon (Sinematograpiya), Adolfo Alix, Jr. (Disenyong Biswal), Bobet Lopez (Art Direction); Quick Change, Dan Villegas (Sinematograpiya) at Harley Alcasid (Disenyong Biswal); Sonata, Mark Gary (Sinematograpiya), Emilio Montelibano, Jr. (Disenyong Biswal), Richard Francia (Visual Effects)

Pinagtuunan ng pansin ng Mga Anino ng Kahapon ang mga pinto, saraduhan, bakod, at iba pang mga espasyo ng pagsasara bilang hulagway ng estado ng pagkakakulong sa panahon ng Batas Militar. Ang mental na ligalig ay nagsisilbing alingawngaw ng tunggalian ng mga puwersang politikal.

Tila nakikiangkas ang mga manonood sa pagtalunton ng Badil sa pasikot-sikot na larangan ng kampanya sa isang bayan. Mamamasdan na ang korupsyon ay hindi lamang nanggagaling sa taas o ibaba kundi, gaya ng ipinakita ng mukha ng isang kandidato na nakaplasta sa t-shirt, ay laging naroroon at umiikot sa buong paligid hanggang mapasok ang kaibuturan ng pribadong buhay at ugnayan.

Nakahahalina ang pagtatampok ng relihiyon at mitolohiya sa Debosyon. Naging makulay at malambing ang pagpapakita ng bayan, gubat, nayon, at bundok na bumubuhay at pinagtutunggalian ng kolonyal, relihiyoso, at katutubong paniniwala sa isang kalupaang sintanda ng pagmamahal at pananampalataya.

Ang pamamaraang verite ng Dukit ay mataimtim na nakukuha ang mga detalye at mga kalakaran ng pag-uukit sa Betis, Pampanga. Ang malikhaing pag-eestilo ng tatlong magkakaibang henerasyon ay epektibong nadadala ang mga manonood sa biyahe ng pagkakasala, pagpapatawad, at pagliligtas.

Sa The Guerilla is a Poet naman, ang kalupaan at kaligiran ng rebolusyon ay buhay na buhay mula pamantasan hanggang kanayunan. Maiibigan ang pagtalunton sa mga ilog, sapa, at bundok sa pelikula habang ang paggamit ng mga litrato at panayam ay nagtatampok sa katotohanan at kasaysayan ng pakikibakang matagalan ngunit matulain at malikhain din.

Sinikap ng Ang Kuwento ni Mabuti na maibahagi ang salaysay ng isang manggagamot sa isang lugar na napakalayo sa sentro, kaunti ang tao, wala halos pag-unlad, at tila wala nang magaganap pa. Ang kamay, paa, mukha, ang mga mata lalo na, at pati ang katawan ng tao at heograpiya ay lubos na pinagtuunan ng pansin upang makapagkuwento ng alinlangan sa kung ano nga ba ang mabuti sa kaibuturan ng tao.

Ang hilakbot ng paghahabol ng multo sa mga buhay ay masusing ipinakita ng Pagpag. Mula sa taas, sa gilid, sa ibaba, at sa kung anong sulok pa ay ipinakita ng kamera kung paano tila minumulto din ang mga manonood dahil hindi nila maipagpag ang sumusunod sa kanila bunga ng hindi maiwaksing paniniwala sa pamilya at pag-ibig.

Magkaalinsabay na nakamamangha at nakababagabag ang pagtunghay sa ugnayang sekswal sa Porno. Pinakikita maging ang mga pribadong katawan sa pagtatalik at idinurugtong ang pornograpiya sa biswal na imahe at tunog sa mga danas ng kawalan, kalungkutan, paghahanap, at takot.

Malupit na itinanghal ng Quick Change ang kapangitan at sakit ng pagbabagong-anyo upang magkaroon at/o mapanatili ang kagandahan. Sinundan ang mga pribadong sandali at pinasok ang mga ilegal at bawal na aktibidad upang sa huli’y maipakita lamang na pangmatagalan ang pagdurusa sa mabilisang pagbabagong inaasam.

Ang matingkad ng kapaligiran ng hacienda ng asukal sa Negros ay matalasik na pinag-iba sa lamlam ng buhay ng isang sopranong nawalan ng boses sa Sonata. Sa pagkakapatapon matatagpuan ang sariling mabibigyang-sigla muli at mahuhubdan ang pagpapanggap ng pagkatao ng simpleng bata na may simpleng buhay, upang sa huli’y mawala lamang ito.

Lauriana

Ngunit ang nagwagi ng pinakamahusay na sinematograpiya at disenyong biswal ay ang Lauriana. Masinop ang pelikula sa paggamit ng mga damit, bagay, at tahanan upang maabot ang nawala nang dekada 50 at 70. Sa pamamagitan ng mga mata ng isang bata ay nasaksihan natin ang maalab, marupok, at malupit na pag-iibigan ng isang sundalo at dalaga sa probinsya. Para bang kinulayan ng sepia ang buong pelikula na lubos na nagtatanghal sa pagkapako nito sa nakaraan na siya namang binalanse ng pagtalon sa kasalukuyan upang maiparating ang trauma ng karahasan.

Iniimbitahan sina Nap Jamir, cinematographer, at Edgar Martin Littaua, production designer, upang tanggapin ang pagkilala at magbigay ng kanilang talumpati.

Nap Jamir (left) and Edgar Martin Littaua

Sina G. Nap Jamir (kaliwa) at G. Edgar Martin Littaua

 
Leave a comment

Posted by on 02/05/2015 in Uncategorized

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: