RSS

Iisa ang Estatwa at Bailarin sa Debosyon

28 Nov

J. Pilapil Jacobo

Isinasalaysay ng pelikula ang buhay ni Mando (Paulo Avelino), isang deboto ng Birhen ng Peñafrancia, nang makilala niya si Saling (Mara Lopez), isang dalagang naninirahan sa paanan ng bulkan ng Mayon. Magkakapalagayang-loob silang dalawa. Matutuklasan ni Mando na ang iniibig niya palang babae ay si Oriol, ang bathalumang ahas ng epikong Ibalon. Labis na matatakot si Mando isang gabi nang ipakita ni Saling ang kanyang tunay na anyo, kaya’t lalayo siya. At labis ding malulumbay ang diyosa, malulugmok sa isang milenyal na kalaliman. Magbabalik lamang si Mando kay Saling/Oriol matapos siyang sumama sa prusisyon ng Birhen bilang isang voyador. At ipagtatapat niya kay Saling/Oriol na nakita niya sa mga mata ng imahen ni Maria ang mga mata ng kanyang sinisinta.

Debosyon 01c

Sa ganang akin, makapangyarihan ang pelikula lalo na kapag ginagamit ito ng kanyang manlilikha upang minahin ang mga katutubo at kolonyal na pagmamalay gamit ang moderno nitong teknolohiya. Sa isang anyo tulad ng pelikula natin maaaring ilugar ang Panitikang Filipino sa popular, at ang popular maiuugat natin sa kayarian ng sining ng panitikan.  Sa pelikula, ang katutubo, ang kolonyal, at ang moderno ay kontemporanyo. Nananahan sila sa iisang panahon: ang panahong sinematograpiko, na inihuhudyat ng mga pinagtagni-tagning imahen (montage) at ng mga sandaling tinapyas-tapyas (diegesis).

Ano ang tagumpay ni Alvin B. Yapan sa Debosyon?  

Binabalikan niya ang epiko na itinuturing bilang pangunahing teksto ng sinaunang Panitikang Bikolano, ang “Ibalon.” Inilalarawan sa epiko ang paglilinang ng kabihasnan ng sinaunang Bikol ayon sa panahon ng tatlong mandirigma. Kasangkot sa paglilinang na ito ang bathaluman na si Oriol. Subalit lalansiin ng bawat mandirigma ang diyosa upang lubusang maitatag ang sibilisasyong papalit sa kaayusan ng kalikasang kinakatawan ng makapangyarihang babaeng ahas.

Subalit ang uri ng paggunitang ito ni Yapan ay masalimuot, sapagkat inilalangkap niya ito sa isa pang alaala sa kamalayang Bikolnon: ang debosyon sa Mahal na Birhen ng Peñafrancia. Ang mahihinuha sa hulagwayang ito ay isang malawak at malalim na pagsipat sa kayarian ng kultura na nakasuot sa malay ng tao. Marahas ang diwa na pinalitan ng debosyon kay Maria ang debosyon kay Oriol. Subalit higit na marahas ang diwa na, kung tutuusin, iisa ang nasabing debosyon. Ang mga puwersa ng pananakop lamang ang naggugumiit ng pagkakaiba.

Upang pahindian ang kolonyal na negasyon (the negation of negation), kailangang muling isaritwal ni Mando ang kanyang debosyon para sa dalawa niya innamorata na sina Maria at Saling. Kailangan niyang isabak ang kanyang katawan kasama ang iba pang katawang lalaki ng Kabikolan sa prusisyon ng imahen sa ilog Naga. At kailangan niya ring kilalanin ang katawang bathaluman-ahas ni Saling bilang katawang tao.

Ano ang kaisipan na magsasara sa pelikula?

Ang kasaysayan ng mithi ay hindi maaaring balangkasin sa isang linyar na paraan. Dahil sa masalimuot na ugnayan ng katutubo at ng kolonyal, ang anumang pagtatangka na taluntunin ang kasaysayan ng mga damdamin, tulad na nga ng pagnanasa at ng pangungulila, ay kailangang maisadula sa isang paraan kung saan masasaksihan ang sandali ng pag-aalinsabayan, ang sandali ng katiwalagan, at ang imposibilidad din ng lahat ng palakumpasang ito.

Iisa ang estatwa at bailarin sa ngalan ng debosyon.

*

Image source: http://mymovieworld-coolman0304.blogspot.com/2013/07/debosyon-official-trailer-cinemalaya.html

 
12 Comments

Posted by on 28 November 2013 in Film Review

 

Tags: , , , ,