RSS

Diyalektika ng Ingay at Katahimikan sa ‘Biyaheng Lupa’

13 Oct

Romulo P. Baquiran, Jr.

Ano kaya kung maririnig natin ang mga iniisip ng ibang tao? Ano ang mga ibubunyag nila? Siyempre pa ang mga personal na pangarap, pagnanasa, lungkot, at ligaya. Higit sa lahat, mailalantad sa atin ang mga hindi kagandahang saloobin at opinyon ng ibang tao sa kaniyang kapuwa. Ito ang sentral na estratehiya at ekspresyon ng diwa ng pelikulang Biyaheng Lupa (2009) ni Armando Lao.

Mataas ang ekspektasyon ng maraming manonood sa “guru” ng maraming manunulat para sa pelikulang Filipino. Magtatagumpay kaya si Lao sa pagdidirihe ng sariling iskrip? Bida ang tunog at ang pabigkas na salita dito sa pelikula. Lagi namang ganito sa mga pelikula sasabihin natin; pero espesyal kasi ang gamit dito. Hindi ang publikong utterance (isinasapubliko ng midyum) ang inihaharap kundi ang interyoridad ng kamalayan ng bawat protagonista. Solilokuwe o internal na monologo ang nakatanghal. Pero sa lakbay-kuwentong ito, hindi solo ng sinuman ang akto kundi salimbayang isinasagawa ng halos lahat ng pasahero ng bus na biyaheng Legazpi sa Bikol. Sa loob ng anim na oras na paglalakbay, naitanghal ang drama ng mga tauhan:asawang pinag-iisipan kung maligaya siya sa piling ng kabiyak; anak na nanghihinawa sa pag-aalaga sa may-sakit na ina; ampong anak na dadalaw sa puntod ng tunay na ina, lalaking nahuhumaling sa pyramid scheme; lolang bagong laya sa Bilibid; amang hindi malimutan ang naaksidenteng anak; baklang naghahanap ng makaka-sex; panganay na anak na nagtatampo sa amang higit na paborito ang kapatid; nagtataksil na matronang may-asawa; kapatid na pinalaya/s ng sariling ate; manlalaro ng scrabble na napagdiskitahan ang earring ng kasamang pasahero, atbp—na napagsala-salabid ni Lao sa isang tila karaokeng performans.

Sa klostropobikong daigdig sa loob ng bus, parang mga aktibong elemento ang mga pasahero: sumisiklab sa sansaglit na engkuwentro ng tinginan, sandaling kumbersasyon, hiraman ng cell phone, at bulgar na pagkakaamuyan. May nag-isnaban, nagkasakitan, at mayroon namang umabot sa posibilidad ng pagmamahalan. Pero sa mga mabilisang simula at wakas , ang bawat isa’y nagpatuloy sa kani-kaniyang paglalakbay. May nakatagpo ng kaligayahan ngunit ang karamihan ay nananatili sa kanilang pakikipagtunggali sa mga sariling suliranin at obsesyon. Sa ganitong daigdig, nakasentro ang naratibo sa mga nagsasalitang kamalayan. (Hindi kailanman mapipigil ng utak ang awtomatiko at walang tigil na pag-iisip. At sa pag-iisip, walang ibang instrumentong magagamit kundi ang lengguwahe.) Kaugnay nito, matutuon ang pokus ng kamera sa mukha ng mga karakter. Dramatikong mababakas ang nilalaman ng utak sa topograpiya ng mukha. At dahil wala ang lunan ng full set, ang mukha ng mga artista ang gumaganap nang buong implikasyon ng aksiyon.

Hindi dapat kalimutan na ang tainga o pandinig ay hindi maihihiwalay sa iskrin na mukha ng tao. At habang pinanonood ang mga tauhan, ang daloy ng kanilang kaisipan ay tila streaming caption ng kani-kanilang eksena. Kaya nga ba ang tunog ang higit ding pumapapel sa akiyon ng buong pelikula.

Isa itong tagumpay ng alternatibong produksiyon. Sa halip na mag-stage ng magarbong mis-en-scene ng mainstream na pelikula, sa kamalayan ng mga tauhan nagaganap ang lahat ng historiko at sikolohikong kasaysayang mababakas sa mukhang umookupa sa iskrin. Sa ganitong estilo, hinihiling o mas angkop, nambabraso ang palabas ng masinsinang pakikinig kasabay ng matamang pagmamasid sa mumunting kibot ng pisngi at kislap/lamlam ng mata ng mga gumaganap.

Sa kabuuan ng masalitang episodiko bagama’t kawing-kawing na kuwento, nakikipagdiyalektiko ang tunog sa katahimikan na sa katotohana’y tagpuan nitong likha-ng-taong ragasa ng salita. Hindi insidental na “itanim” sa gitna ng matatabil na tauhan ang isang piping tinedyer. Higit na biswal na texting at pagsusulat sa papel ang paraan ng komunikasyon ng pipi sa mga taong nais magpapansin sa kaniyang kamalayan. Kaya sa sandaling ang kamalayan ng pipi ang naka-project sa iskrin, katahimikan ang maririnig. Ibig sabihin, blangko ang sound track para literal at dramatikong ipahiwatig ang hindi pag-iral ng tunog sa kaniyang daigdig. Higit pang naikokontrast nito na para sa iba pang tagpo, may pribilehiyo ang manonood na makapasok sa pinakainteryor ng kamalayan ng mga tauhan.

Pero hindi naman sumasablay ang paglalahad upang tumawid sa pagiging drama sa radyo, bagama’t may mga sandali na tila tumatawid na dito ang mga eksena. Mabuti at hindi nalilimutang magtulungan ang oral/awral sa biswal. Sa naratibo ng babaeng nakaitim, nagdaramdam ang anak sa kaniyang ama dahil naniniwala siyang mas mahal ng ama ang nakababatang kapatid. Pero sa hindi inaasahan, may paruparong nakapasok sa loob ng bus at lumikwad-likwad sa ibabaw ng lahat ng pasahero. Natuwa ang isang bata sa pagkaganda-gandang tanawin na para naman sa nakatatanda ay isang simbolo ng presensiya ng kaluluwa ng isang pumanaw. Dumapo at humimpil sa hita ng babaeng nakaitim ang paruparo na sukat niyang ikaluha sapagkat naisip niyang pahiwatig iyon ng ama na hindi siya dapat managhili sa kapatid. Mahal din siya ng kaniyang ama.

May mga ganitong diyalektika ng pasalita at biswal (na katahimikan) na pagsasalikupan ang mga naratibo. At hahantong ito sa pinal na eksena ng pelikula sa pagsuong ng karamihan ng pasahero (bumaba na ang iba) sa pinakadakilang katahimikan sa lahat, ang kamatayan. Kahit sa huling mga freym ng pelikula, mahihiwatigan na ang tunog ang naghahatid sa kaluluwa patungo sa eternal na pananahimik. Ang pandinig ang pinakahuling pandama na naglalaho sa pagdidilim ng kamalayan ng tao tungo sa kaniyang pagtawid sa kabilang buhay. Ang biyaheng lupa ay siya na ring biyaheng langit.

 
 

Tags: , ,

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
%d bloggers like this: