RSS

Ang Nawawala at Nag-aapuhap sa pelikulang Bisperas

28 Jun

Jema M. Pamintuan

Ang paggalaw ng kamera at pagprisinta ng mga pananaw mula sa lente nito ang isa sa mga birtud ng pelikulang Bisperas, sa direksyon ni Jeffrey Jeturian. Magugunita rito ang husay ng paggamit ng kamera sa isa pang pelikulang idinirehe ni Jeturian, ang Kubrador, na nagmapa ng paglalakad ng pangunahing tauhan sa komunidad bilang pagsubaybay sa pangangalap nito ng mga taya sa huweteng. Ang kamera ang nagtanghal kung paanong memoryado ng tauhan ang pasikut-sikot ng bayan, na paglao’y biglang naging alanganin ang alaalang ito at naligaw ang tauhan, gaya ng alanganin ding kalagayan at temperamento ng pinasukang hanapbuhay at mga linsad na transaksyong sangkot dito. Pinapatnubayan ng kamera, ng galaw at fokus nito, kung saan at paano titingin ang manonood, kung ano ang hahanapin sa pelikula.

Sa Bisperas, materyal ang galaw ng kamera sa pamamaraan kung paano sinuyod ng pamilya Aguinaldo ang kabuuan ng kanilang tahanan pagkatapos itong nilooban. Kagagaling lamang ng mag-anak sa prusisyon kaakibat ng ritwal ng panunuluyan, bilang pagdiriwang sa bisperas ng Pasko. Habang nasa loob ng sasakyan ang mag-anak pauwi ng kanilang tahanan, ang nakaambang tila walang katapusang paghahalughog at paghahanap, at ang paggunita sa mga bagay na nawawala, ay pinangunahan ng pag-awit ng batang apo ng mag-asawang Ramon (Tirso Cruz III) at Salud (Raquel Villavicencio). “Pasko na, sinta ko, hinahanap kita”— ay ilang linya mula sa tanyag na awitin ng pangungulila ng persona sa kaniyang minamahal sa panahon ng kapaskuhan. Pagkapasok ng kanilang sasakyan sa gate, nagsimula na ang pagtatanghal sa mga imaheng iba, kakatwa, at maligalig sa paningin at ekspektasyon ng mag-anak–mula sa nadistrungkang nakasanayang gayak ng tahanan (nakapatay ang inaasahang bukás na mga ilaw) hanggang sa nakaplano na nilang noche buena.

Iginiya at isinalaysay ng galaw ng kamera ang paraan ng pag-uusisa at paghahanap ng sagot sa bugtong ng nangyaring panloloob sa tahanan: ano ang mga bagay na unang hinanap, ano ang mga hindi nakita, saan unang pumunta ang mga tauhan, ano ang mga nakita na nakapagpaalala at nag-udyok sa tauhang hanapin pa ang ibang bagay, ano ang maaaring ipalagay na pinahahalagahan ng tauhan kung kaya iyon ang kaniyang unang hinanap. Sa pamamagitan ng mabisang disenyong pamproduksyon ng pelikula, malayang nakagalaw ang kamera sa kabuuan ng bahay bilang paglalahad ng posibleng naratibo at proseso ng panloloob.

Una munang itinanghal ng kamera ang imahen ng tahanan pagkatapos itong malooban, ang magulo at nakasabog na mga gamit dito. Inihahain nito ang pangunang ekspektasyon sa atin bilang mga manonood, na ito ang problema ng pelikula. Pagkapasok ng pintuan, tumambad kay Ramon ang nakatumbang Christmas tree. Kumuha ng golf club si Ramon bilang sandata, malinaw na ang/ang mga taong nanloob ang kaniyang hinahanap. Mula sala, umakyat sa hagdanan si Ramon, tiningnan ang silid sa unang palapag, saka tumungo sa ikalawang palapag at pumasok sa lahat ng silid dito, sa silid nilang mag-asawa, hanggang sa silid ng mga anak. Nang maliwanag na wala ngang tao, bunsod na rin ng sambit ng kaniyang kasambahay, “Wala namang tao,” tinawag na niya ang mag-anak upang pumasok sa loob ng bahay.

Sa mga sumunod na eksena, ikinuwento ng kamera ang mga nakatanghal sa paningin (tulad ng kasilyas na dinumihan ng nanloob), gayundin, ang mga nawawala sa paningin (gaya ng pagkain para sa noche buena na binawasan ng/ng mga magnanakaw) ng bawat tauhan.  Sa gitna ng kalat, dumi, at gulo ng mga gamit, hinanap ang mga maipapalagay na pinahahalagahan ng mga tauhan—simula sa kamera at cellphone ni Ramon, mga alahas at passport ni Salud, mga titulo ng lupa, ang macbook ng kanilang anak na si Ara (Julia Clarete), ang pera sa drawer ng bunsong anak na si Mio (Edgar Allan Guzman), ang balikbayan box ng panganay na anak na si Diane (Jennifer Sevilla). May hinanap bang natuklasang naroon?—tanging reading glasses lamang ni Salud, ang bagay na kailangan niya upang mabasa ang mga natirang dokumento at kumpirmahin ang pagkawala ng mga titulo ng lupa.

Isa sa posibleng aasahan ng manonood ay ang pagdadala sa kaniya ng kamera tungo sa mga ebidensya ng krimen, upang malutas ito, at mabigyan ng maayos na konklusyon ang pelikula. Sa halip, ibinigay ng kamera ang komprontasyon ng mga tauhang nagsumbatan dahil sa mga nawalang kagamitan, na lalong nagpakapal sa nauna nang kinilalang suliranin ng panloloob sa tahanan. Ang proseso ng paghahanap ng nawawala ay kaugnay ng proseso rin ng pag-aalaala. Bawat gamit na hinanap, at lunang pinanggalingan ng gamit na iyon, ay nanganak ng sigalot sa pagitan ng mga tauhang biglang nakagunita ng atraso at kakulangan sa kanila ng kaanak. Mula sa mga hinanakit at argumento, higit pang lumitaw at natuklasan kung ano ang mga gamit na nawawala, gayundin, anong mga bilin at gawaing ipinagkatiwala ang hindi nagampanan ng mga miyembro ng pamilya.

Ang kaguluhan ng makalat na lunan ay katumbas ng nagtutunggaling personalidad ng mga tauhan, dahil sa salansan ng mga damdaming naipon at noon lamang naipahayag, gaya ng mga nakakahong dokumentong pinakatagu-tago at ngayo’y ibinulatlat at inuusisa. Ang nakaugaliang hindi pagbabalik ng gamit ni Mio kay Ara, ang hindi naidepositong pera na iniutos ni Salud sa anak na si Mio, ang malalim na pagdududa nina Salud at Ara sa katapatan ni Ramon hinggil sa nawawalang titulo ng lupa, ang mga naitanim na sentimyento ni Ramon tungkol sa pangingibang-bansa, pag-aasawa, at di pagpapadala ng pera ni Diane–ang mga ito ang naging sentral na konsepto ng paghahanap sa pelikula. Ang tiwala, at ang pangako ng mabisang komunikasyon na inirereklamong iniwang nakatiwangwang lamang ng mga tauhan, ang ngayo’y higit na hinahalungkat ng mga ito sa isa’t isa.

Sa gitna ng mga hindi naresolbang damdamin, at mga nakasanayan nang dapat gawin, o mga paalalang nakaligtaan, gaya ng pag-double lock ng pinto (bukod pa sa perang hindi naideposito at macbook na hindi ibinalik kaagad), ang tanging pagdaraos ng noche buena na lamang ang gawain na maaaring isakatuparan nang maayos.

Sa eksenang ito ng pagtatangkang ipagpatuloy ang pagdiriwang ng Pasko sa kabila ng pisikal, emosyonal at mental na pinsala sa mga tauhan, ipinakita na ng kamera ang maayos na tahanan—nakatayo na muli ang Christmas tree, ginayakan ng nakapulupot ditong Christmas lights, kumpleto sa tunog pamasko na mula sa mga ilaw. Nakahanda na ang noche buena, nakaayos ang mesa, inanyayahang maupo na rito ang mag-anak para kumain, ipinaalala pa ang muntik nang makaligtaang paghahain ng hamon. Subalit naroon pa rin ang ligalig ng naunang imahen—mga damdaming nahalughog at hindi pa natitiklop ng mahusay na pakikipag-ugnayan, ng pagpapaubaya, at pag-unawa. Tigib ng rubdob ang noche buena, taal ang  transpormasyon sa tinginan ng mga tauhan kumpara noong sila’y kalmado lamang habang nasa prusisyon ng panunuluyan. Mainam ang timpla at gradasyon mula pagtitiim-bagang hanggang hysteria sa hapag-kainan. Bagaman nagpakita ng matinding emosyon, nakapa pa rin kay Salud ang pagsisikap na ipagpatuloy ang ritwal at selebrasyon, na animo’y sa kaniya nakatalaga ang pagtatahi at pagsasaayos ng nalamog na mga ugnayan sa pamilya. Gaya ng naunang mga pamamaraan ng pagpapanatili sa kaayusan ng tahanan, pansamantala munang ililigpit at muling isasalansan sa isang eskaparate ang magkakasalungat na pananaw, ang magkakabanggang tinginan, ang nag-aalangang pakiramdaman, sa pamilyang iyon. Si Salud ang nagbigay ng payapang wakas sa gabing iyon, ang nangunang magligpit ng mga pinagkainan, nag-ayos ng mga bakas ng pinsala ng panloloob, nagpatay ng ilaw, at nagpaalala kay Mio ng pagsisimba kinabukasan, pagkat iba umano ang misa sa bisperas, sa misa sa araw ng Pasko.

Kagaya ng ritwal ng panunuluyan, ng paghahanap ng tahanang masisilungan ng mga tauhan nito, batbat ang pelikula ng mga pananda ng paghahanap, hindi lamang ng mga bagay na nawawala. May malinaw na preokupasyon sa mga ritwal, o ang posibilidad ng paggamit sa diwa ng ritwal upang magbigay kaganapan at saysay sa buhay at pagdanas ng mga tauhan. Ang mga regular na fixture ng Pasko ay naroon—ang pagbebenta ng puto bumbong, ang mga kandilang hawak ng mga deboto habang nagpuprusisyon, ang pag-awit ng mga linya mula sa iskrip ng panunuluyan, ang mga dekorasyong pamasko sa mga tahanan ng komunidad na pinagdausan ng panunuluyan. Kasama rin ang mga nakasanayan nang paalalang nakapaloob sa kabuuang pagdiriwang, ang pangangailangang kumilos nang maayos kapag nasa loob ng simbahan, tulad halimbawa ng pagpuna ni Salud kay Mio na tanggalin nito ang suot na sombrero, at kay Ara, na isuot nito nang maayos ang sapatos kahit napaltusan ito ng paa. Bagaman may malaking lubak sa gitna ng pagdiriwang ng ritwal ng Pasko, yaon ngang nangyaring panloloob, naipasok pa rin ang noche buena, at ang pagsisimba sa araw ng Pasko. Sa mga ritwal, nakasanayang gawain, paalala, at bilin, iniaankla ng mga tauhan ang paghahanap ng sarili, at paghahanap ng ugnayan ng sarili sa kapwa, anuman ang hubog o kompigurasyon ng ugnayang iyon.

 
1 Comment

Posted by on 28/06/2012 in Film Review

 

Tags: ,

One response to “Ang Nawawala at Nag-aapuhap sa pelikulang Bisperas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

 
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 1,708 other followers

%d bloggers like this: